MAY MGA TUGTUGING HINDI KO MALIMOT
Jose Corazon de Jesus
O may mga tugtog na hindi nagsasalita,
Malungkot na boses ng nagdaralita;
Pasa-bahay kana ay nagugunita’t
Parang naririnig saanman magsadya.
Langitngit ng isang kaluluwa ng sawi,
Panaghoy ng pusong nasa pagkalungi;
Laging naririnig sa bawat sandali
Ang lungkot ng tugtog na mapawi’y hindi.
Ikaw baga’y daing ng nakaligtaan?
Ikaw baga’y hibik ng pinagtaksilan?
Matutulog ako sa gabing kadimlan
Ay umuukilkil hanggang panagimpan.
Oo, mayr'ong tugtog iyang mga b’yoling
Tila sumusugat sa ating panimdim;
Bawat isang tao’y may lihim na daing,
Pinakakatawan sa b’yoling may lagim.
Sa lahat ng gabi sa aking pag-uwi,
Kung ako’y hapo na na makitunggali,
Ang bawat tugtugi’y kaluluwang sawi
Ako’y dinadalaw sa bawat sandali.
May isang tugtuging hindi ko malimot,
Kinakanta-kanta sa sariling loob;
Hiniram sa hanginang lambing at lamyos,
Awit ng ligayang natapos sa lungkot.
Jose Corazon de Jesus (1896-1932)
Masasabing siya ang higit na nakamana ng korona’t setro,
ng pinsel at papel ni Francisco Baltazar. Taglay ng kanyang mga tula ang masaganang
daloy ng luha at maramdaming mg paglalarawan.
Kilala siya sa kanyang sagisag-panulat na Huseng Batute, tinagurian din siyang Hari
ng Balagtasan.
Ang tulang ito ni Jose Corazon de Jesus ay
ginagamitan ng di-malayang taludturan sapagkat ito ay may sukat at may tugma.
Ito ay gumagamit ng labindalawahang panukat at ito ay nagtataglay ng mga matatalinghagang
salita.
Ang unang saknong ng tula ay nagpapkita ng kalungkutan
o pangungulila sa isang tao na kahit saan siya magpunta ay may mga alaala na sadyang
binabalikan ng kanyang puso’t isipan.
Ang pangalawang saknong ay nagpapkita ng pagkasawi sa pag-ibig
o kabiguan sa pag-ibig. May mga bagay na hindi natin pwedeng ipagpilitan
at may mga bagay na kailangan nating tanggapin na hindi kayo para sa isat-isa
at tanggapin ang realidad ng buhay.
Ang pangatlong saknong ay nagpapakita ng isang katanungan
na hindi niya masagot sa kaniyang sarili. Mga bagay na gumugulo sa kaniyang isipan
na idinaan na lamang niya sa tulog at limot.
Ang ikaapat na saknong ay nagpapahiwatig ng pagtanggap,
na ang sakit ay parte sa buhay ng isang tao bawat tao ay may pinagdadaanan at
mga pagsubok o balakid na nararanasan sa bawat landas na kanilang tinatahak.
Ang ikalima at ikaanim na saknong ay nagpapahiwatig
ng kanyang pagmamahal sa isang tao na kahit anong gawin niya ay hindi niya malimot
limot ang taong iyon na kahit pa siya ang dahilan ng kaniyang kalungkutan ay
siya pa rin naman ang nagbibigay ng kasiyahan sa kaniyang puso sa pamamgitan ng
mga alaala at pagsasamahan na kanilang nabuo.
Sa pangkalahatan ang tulang ito ay tungkol sa isang
tao na nangungulila sa kaniyang minamahal, mga alaala na hindi niya malimot tulad
na lamang ng isang tugtugin na kapag iyong narinig ito ay mananatili sa iyong puso't
isipan. Ito ay magmamarka sa iyong buhay kahit lumipas pa ang maraming taon.